Iba’t -ibang mukha ng pag-ibig sa makabagong panahon ang ipanakita sa mga nakalipas na istoryang aming binasa at tinalakay sa klase na merong mga pamagat na “Games” ni Noelle De Jesus, “Documents” ni Luis Jouaqin Katigbak at “The Tale of the Spinster and Peter Pan” ni Cristina Pantoja Hidalgo. Lahat ay mayroong komplikadong kwento ngunit sabi nga ng marami, ganyan talaga ang pag-ibig. Sa aking palagay, higit na mas maiintindihan ng mga kabataan ang mga istoryang ito dahil ito halos ang nangyayari sa kasalukuyan.
Masasabing maraming pagkakaiba ang noon at ngayon lalo na pagdating sa pag-ibig. Noon, simple lamang kapag ika’y umiibig. Kung lalaki ka, liligawan mo ng pormal ang napupusuan mo. Haharanahin mo at pagsisilbihan. Ang mga babae naman, naghihintay lamang ng papanik ng ligaw. Kapag nagustuhan niya ito nakapasa sa kanyang magulang, maari na niya itong pakasalan. Ngayon iba na, mas komplikado. Hindi na padalos-dalos ang mga kalalakihan ngayon. Kapag mayroon silang nagustuhan, hindi nila agad ito liligawan. Maghahanap muna yan ng iba’t ibang pahiwatig na may pag-asa sila sa babae. Tulad na lamang sa kwentong “Documents”. Naguguluhan ang bidang lalaki kung may gusto ba sakanya ang kaibigan niyang babae, pero di siya gumagawa ng kahit anong kilos para malaman ito dahil siguro ayaw niyang mapahiya. Makikita din ito sa kwentong “The Tale of the Spinster and Peter Pan”. Mayroong isang parte sa kwentong ito na sinabing nilapitan ng mangaawit ng banda ang babae dahil napansin niyang lagi siyang pinapanuod nito. Ginawa niya ito dahil naging sigurado na siya na may pagtingin sakanya ang babae. Ngunit sa kasamaang palad ay iniwasan siya ng babae. Ngayon kasi, hindi na ata ganoon katapang ang mga kalalakihan, ayaw nilang nababansagan silang “nabasted”.
Habang ang mga babae naman, yung ibang sobrang pakipot at yung iba naman bigay na bigay. Sobrang pakipot dahil gusto magkaibigan muna ang dating pero iba naman ang ipinapakita ng kinikilos nila at yung iba naman ay bigay na bigay dahil sila na mismo ang lumalapit sa mga lalaki. Sa aking palagay, sa kwentong “Games” bigay na bigay ang misteryosong babae dahil ginagawa niya ang lahat upang mabigyang kulay pa ang relasyon nila.
Isa pang pagkakaiba ay ang pagsasama ng isang magkarelasyon. Noon, kailangan ay makasal muna ang magkarelasyon bago sila maaring magsama sa isang bahay. Ngayon kahit may anak na kayo, pwedeng “live-in” muna. Maraming dahilan ang iba’t ibang magkarelasyon ukol dito. Maraming nagsasabi na, mas makikilala mong mabuti ang kasintahan mo kapag nagsama kayo sa iisang bubong. Kaya ang iba, bago magpatali ng tuluyan sa kanilang kabiyak, ang sinusubukan muna ang makipag “live-in” upang maiwasan ang pagsisi sa huli. Pati ang pagtatalik ay ibang iba noon at ngayon. Ang usaping ito ay kahalintulad din ng pagtira sa iisang bubong. Noon, bawal itong gawin ng magkasintahan hangga’t di pa sila nakakasal ngunit ngayon, hindi na ito gaanong pinapahalagahan ang alintuntunin na ito. Tulad na lamang sa kwentong “Documents”. Mayroong isang parte doon na inilalarawan na sila ay nagtatalik ngunit hindi binanggit sa istorya na sila ay kasal na.
Ilan lamang ito sa mga madami pang nagbago sa pagtanda ng panahon. Hindi naman lahat ng nagbago ay naging hindi maganda. Siguro ay natuto lamang tayo na kumawala sa nakasanayan na. Noon kasi, sa aking palagay, higit na pinapalagahan yung mga alintuntunin na minana pa natin sa ating mga ninuno. Kaya kahit ayaw, walang magagawa dahil kailangan itong sundin. Ngunit ngayon, mas malaya na nating nagagawa kung ano ang gusto natin. Mas malaya na nating naipapahayag kung ano ang tunay nating nararamdaman.
Pero para sa akin, mas malaki ang respeto noon kumpara ngayon. Noon kasi, kapag ang lalaki nanliligaw, pinaghihirapan talaga. Ngayon, bihira na lang ata ang mga lalaking ganoon. Karamhan kasi sa kanila ngayon ginagamit na lamang na mas pangpa-gwapo ang mga lalaki. At di maikakailang mas mahinhin ang mga babae noon. Iba din ang paraan ng relasyon noon at ngayon. Sa aking palagay, mas sagrado ito noon. Ngayon kasi, minsan nauuna na ang anak bago pa ang kasal.
Isa pang pagkakaiba ay ang pagpasok ng teknolohiya. Malaki ang naging epekto nito sa atin. Sa modernong panahon, marami ang natutulungan nito sa pagpapadali ng ating mga gawain. Pero pagdating sa pag-ibig maaring iba ito. Isa itong tulay para sa mga magkasintahang magkalayo. Ngunit naapektuhan nito ang kahalagahan ng katapatan. Para sa akin mas makikita pa din ang tunay na katapatan ng pag-ibig sa tradisyonal na paraan tulad ng pagsusulat ng mga telegrama at paghaharana.